Ang Aking Talaarawan

Mayo 6, 2016

Ang Araw na Aking Inaasam-asam
   
    Ito ang ika-18 kaarawan ng aking ate at araw na muling nakasamang buo ang aming magulang sa isang litrato. Ilang taon na kaya ang lumipas noong huli kaming nagkasamang apat sa isang litrato? Sampo? Labing apat na taon? Hindi ko na maalala. Simula noong naghiwalay ang aming mga magulang, iyon din ang simula na mainggit ang aking buong sistema sa mga batang may masasaya at kumpletong pamilya. Pinalaki naman nila kami ng tama at hindi pinabayaan ngunit iba parin talaga ang pakiramdam na buo kayong pamilya. Labis kong inaasam na sana’y dumating ang isang araw na magiging kumpleto ulit kami ngunit alam kong malabo ng dumating ang araw na iyon. Kaya sobrang saya ang aking nadarama nang dumating ang kaarawan ng aking ate at umuwi ang aking tatay galing Maynila. Dito sa litratong ito ko ulit naramdaman na kumpleto at buo kaming pamilya. May tatay sa kaliwa at may nanay sa kanan. 


    
Hindi ako galit sa mga nangyari, pawang lungkot at pag-aasam lang talaga ang aking nadarama. Masaya ako sa kung anong meron man kami ngayon, kahit hindi na magkabalikan ang aming mga magulang basta’t hindi nila kami iiwan at tatalikuran. Kuntento na kami ng aking ate sa ganitong “set-up” basta’t nandiyan sila palagi sa oras na kailangan namin sila. Sana dumating ulit ang araw na ito at madagdagan ang aming litrato na tulad ng ganito. 

Disyembre 29, 2016

Paskong Kay Saya-Saya

    Ilang oras nalang ang hihintayin at ang pasko ay darating. Ito ang araw na idinawang namin ang kapaskuhan na buo ang pamilya ng aking magulang. Hindi man ganoon karami ang aming handa at kamahal ang aming mga kasuotan, buo naman ang aming pamilya sa kabila ng trahedya at problemang napagdaanan. Kasama ko ang aking mga pinsan sa paghahanda sa pagdiriwang na ito. May mga laro at papremyo kaming hinanda at kaunting presentasyon na ibinahagi bago ang palitan ng mga regalo. Ito ang pinakaunang pasko na idiniwang naming buo ang kapanganakan ng Hesukristo at kauna-unahang litrato na natipon kaming lahat bago sumunod ang mga taon na sama-sama ulit kami sa pagdiwang ng pasko.

Abril 24, 2019

Araw ng Simula

    Ito ang araw na kung saan nakuha ko ang aking sertipiko tanda sa nakamit kong kaalaman, kasanayan, at pag-uugali sa paaralang ginugolan ko ng ilang taon. Halo-halong emosyon ang naramdaman ko sa araw na ito. Pagod sa araw-araw na pag-eensayo bago ang mismong pagtatapos, kalungkutan dahil mawawalay ako sa aking pangalawang pamilya, kasiyahan dahil sa wakas ay nakuha ko ang aking sertipiko na may medalya ring kasama tanda ng aking paghihirap, at kaba dahil panibagong hamon at pagsubok namang naghihintay sa hinaharap. Ito ang araw na inalay ko ang aking natanggap na karangalan sa aking pamilya at pinangako sa sarili na mas lalo akong magpupursigi para matulungan ang aking pamilya sa abot ng aking makakaya.    

                                                                              Abril 29, 2019

YagYag Family

     Ang araw na ito ang isa sa hindi ko malilimutang kaganapan na nangyari sa aking buhay. Ang YagYag family ang nagbigay sa akin ng panibagong karanasan at kasiyahan sa kabila ng pagod na aking nadarama sa paaralan. Dito ko naramdaman ang pamilyang hindi lang sayawan at titulo ang hangad kundi ang samahan na nabuo dahil sa samot saring emosyon na naibahagi sa isa’t isa. Hindi man namin naipanalo ang laban, punong-puno naman kami ng kasiyahan, aral, at karanasan. 

Hulyo 26, 2020

Araw ng Kagalakan

    Mula noong Senior High School hanggang ngayon sa kasalukuyan, ang pamilyang ito ang hindi parin nabubuwag kahit na abala ang lahat sa kanya-kanyang gawain. Ito ang araw na muli naming nakasama ang bawat isa magmula ng kami ay magtapos sa SHS. Kaunting pagkain at laro lamang ang aming hinanda ngunit ang ala-ala na aming ibinahagi sa bawat isa ay kasing rami ng ibong walang humpay na lumilipad sa kalangitan. 


Comments

  1. ...Ito ang araw na idinawang namin ang kapaskuhan... (IPINAGDIWANG)

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular Posts