Ang Aking Talambuhay

 "Ang Kuwento ng Aking Buhay"


    Maligayang pagdating aking kaibigan! Halika’t samahan ako sa pagbabalik tanaw sa mga kaganapan na nangyari sa aking buhay.

    Madaming panahon, araw, at oras na ang nagdaan ngunit parang kahapon lang nangyari ang lahat. Sariwang-sariwa pa sa aking isipan ang mga masasaya't malulungkot na pangyayaring naganap sa aking buhay mula pagkabata hanggang sa akoy dalaga na. Ako si Lizza P. Catayas, isinilang mismo sa bahay ng aking magulang na si Janeth Catayas at Antonio Catayas. Ang lugar namin ay matatagpuan sa Munisipalidad ng Sibulan, bayan ng Cangmating. Ako ay may isang nakatatandang kapatid, maalaga’t maalalahanin na si Antonette Dawn Catayas. Ang bahay namin ay hindi man kasing laki ng isang palasyo at kayaman tulad ng isang presidente, ngunit ito’y puno ng pagmamahalan at pagmamalasakit sa isa’t isa na walang sinuman ang makagigiba. Kilala ako sa aking palayaw na “ling” na tinatawag lamang ng aking mga malalapit na kaibigan at kapamilya. Tulad ng isang normal na tao, takot rin ako sa ahas, ipis, daga, at sa tuwing nakikita sila ng aking dalawang pirasong mga mumunting mata, ‘sing bilis ng kidlat ang aking mga kilos, huwag lang madapuan ang aking balat o kahit saang parte  man ng aking katawan.

Bata palang kami ng aking kapatid, pinalaki na kami ng aming mga magulang na maging responsable at matulungin sa bayan. Hindi nila kami pinapabayaan at sinusuportahan palagi sa lahat ng bagay sa abot ng kanilang makakaya. Elementarya ako noon, baitang 2, nang malaman ko kung ano ang gusto ko paglaki ko. Bigla nalang sumagip sa bata kong kukute na magiging isang guro ako paglaki ko. Maaaring tanda ito sa akin ngayon na tama ang pinili kong kurso sa kolehiyo dahil ang pangarap ko ay hindi nag-iba. Bilang isang bata na walang problemang inaalala, mahilig rin ako sa iba’t ibang laro noon lalo na ang mga larong “tiktiklata”, “chinese garter”, at “habol-habulan”. Ilan iyon sa mga paborito kong mga laro dati kasama ang mga pinsan at mga kababatang kaibigan ko noon. Ang sarap balikan ang mga panahong laro lang ang pinoproblema at iniintindi ko. Hanggang sa naghayskul ako, hindi na masyadong laro ang nasaisip ng maganda kong kukute kundi ang mga proyekto at takdang-aralin na ibinibigay ng guro sa amin. Nadagdagan din ang aking mga kaibigan at nagkaroon din ako ng kaalaman sa mga bagay-bagay. Dito ko rin napagdaanan ang mga sitwasyon na kahit noon ay hindi ko pa naranasan tulad na lamang ng paglalakwatsa. Hanggang sa tumungtong ako sa Senior High School, dito ko na natutunan kung papaano mag-aral nang mabuti, pahalagahan ang mga marka, at kumilala ng tunay na kaibigan. Malaki ang pasasalamat ko at napunta ako sa paaralan ng St.Paul University Dumaguete dahil dito ko natutunang magpursigi at maging responsable. Dito sa paaralang ito nahubog ang aking kakayahan at pagkatao. Pinalabas ng paaralang ito ang “best version” ng aking sarili at malaki ang pasasalamat ko sa pagbabagong natamo ng aking sarili.

Sa kasalukuyan, ako ay nasa ikalawang baitang na ng kolehiyo ng Foundation University na nasa pangangalaga ng Kolehiyo ng Edukasyon at patuloy na lumalaban na parang nasa giyera at nilalaban ang pangarap na maging isang propesyonal na guro sa hinaharap. Dito ko ipagpapatuloy ang pangarap ng aking magulang na makapagtapos ng pag-aaral at makakuha ng isang makatarungan at galanteng trabaho. Marami man akong problema at hamon na kinakaharap ngayon, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang lampasan ang lahat ng mga iyon. Walang hanggan ang aking pasasalamat sa Poong Maykapal, sa aking pamilya, kaibigan, at sa aking mga guro noon at ngayon sa walang sawa nilang pagsuporta at pagtulong sa akin. Sila ang mga taong nagsisilbing  sandigan at malalapitan ko sa anumang oras ng aking pangangailangan. Nagsisimula pa lamang ang laban ng aking pangarap at sisiguraduhin kong ako ang magwawagi sa dulo ng labanang ito. 

Comments

Popular Posts