Pormal na Sanaysay

 "Ang Tunay na Kalaban sa Gitna ng Pandemya"  

    “Ang kalaban ng tao ay hindi ano, kundi kung sino”. Matapos tamaan ng pandemya ang bansang Pilipinas, tuluyan ng nagbago ang lahat. Hindi lang sa kilos ng tao kundi pati na sa paraan ng kanilang pag-iisip. Dahil sa isang kalabang hindi nakikita, nagsilabasan ang tunay na pag-uggali ng karamihan. Pag-uugaling sinusunod lamang ang personal na kagustuhan at binabalewala ang higit na mas makabuluhan.

Binago ng COVID-19 ang pamumuhay mayroon ang isang komunidad at kinitil ang buhay ng iilang mga responsable at inosenteng tao. Dulot ng pandemyang kinakaharap ng bansa, halos buong mundo ay sumasailalim sa community quarantine. Ilan sa mga pagbabagong nangyari, maraming mga tao ang nawalan ng pamilya’t kaibigan, natanggalan ng trabaho dahil sa kakulangan ng perang pampasahod, at mga batas at patakaran na binago at ginawa ng gobyerno. Kung susuriin natin ito nang mabuti, hindi magiging ganito kakumplikado ang problema na mayroon tayo ngayon kung bukas lahat ang ating pag-iisip sa lahat ng bagay. Hindi inuuna ang personal na kagustuhan bagkus inaalala kung ano ang mas makabubuti sa lahat. Nangunguna ang paglabag sa mga patakaran na ipinatupad ng gobyerno. Sa halip na manatili tayo sa bahay, ginawang oportunidad ang pandemya para maggala sa iba’t ibang lugar. Sa halip na magtulungan sa gitna ng krisis, mas nanaig pa ang diskriminasyon at poot sa ating lipunan. At sa halip na pandemya ang kalabanin at puksain ng sambayanan, sariling kaligayahan at kagustuhan ang pinagtutuunan.

Ang tunay na kalaban nating mga tao ay hindi ang pandemya kundi ang ating mga sarili. Ito ang ating mga sariling hangarin at ating pansariling layunin. Hamon ito ng Diyos sa atin kung papaano natin tutugunan ang problema. Kaya hindi uunlad ang ating ekonomiya at hindi matatapos ang labanan ng pandemya kung hindi parin tayo matututo. Hindi mawawala ang problema kung wala tayong disiplina sa ating mga sarili. Tayong mga tao lang din ang naglalagay sa atin sa peligro. Mapanganib ang COVID-19 dahil wala itong taong sinasanto ngunit mas magiging delikado at komplikado ang lahat kung wala tayong respeto sa ating komunidad at disiplina sa ating mga sarili. Ang pagpigil sa pagkalat ng Covid-19 ay responsibilidad ng bawat isa, kaya gawin natin ang lahat ng ating makakaya para malabanan ang higit na nalalapit na trahedya na darating sa buong bansa sa ilalim ng suporta at kapangyarihan ng batas at kaligtasan ng sarili’t sambayanan.

Comments

Popular Posts