Sanaysay ng Larawan
Ang Ngiti Ng Mga Pilipino
Ayon sa isang kasabihan, ang pagiging palangiti at masayahin ng isang tao ay nakapagpapalakas ng loob alinmang kamalasan at trahedya ang kanyang masasalamuha. Tayong mga Pilipino ay tinagurian bilang masayahing lahi dahil kahit tayo’y nahaharap sa mga mabibigat na problema, minsan dinadaan nalang natin ito sa tawa. Minsan iniisip ng iilang mga tao na hindi tayo marunong sumeryoso sa mga problema at tinatawanan ang mga sitwasyong mas higit na kailangang pagtuonan ng pansin.
Marami ng kalamidad, bagyo, at lindol ang naranasan ng ating bansa ngunit sa kabila ng mga ito ay atin itong hinarap ng sama-sama na may ngiti sa ating mga labi. Maaaring minsan pumapasok sa ating mga isipan ang pagod, hirap, lungkot, at galit sa mga nangyayari ngunit mas nanaig sa ating puso at isipan ang pagiging positibo sa lahat ng bagay at pananalig sa Poong Maykapal. Tayong mga Pilipino ay hindi napanghihinaan ng loob, hindi sumusuko, at hinahanap palagi ang kabutihan sa masasamang bagay at sikat ng araw sa madilim na kalangitan. Sinisikap nating maging masayahin kahit mahirap na ang pinagdadaanan. Pinapalabas at pinapakita natin sa sanlibutan kung gaano katatag ang mga Pilipino at kung paano natin hinahawakan at nilalampasan ang mga problema. Hinaharap natin ang problema sa pamamagitan ng pagtawa at pananalangin sa Maylikha. Hindi natin hinahayaang lamunin tayo ng ating problema at kasakit bagkus atin itong pinapalangin sa Kanya.
Nasa sa ating mga tao kung papaano natin hawakan ang problemang ating haharapin. Nakadepende sa atin kung magpapatangay ba tayo sa problema at galit at lungkot na ating nararamdaman o haharapin ito nang buong puso at bukal sa ating damdamin at isipan. Hindi galit, poot, at kalungkutan ang dapat manaig sa ating isipan kundi ang pasasalamat at pagtitiwala sa sarili at sa Poong Maykapal na ang problema at malalampasan. Ayon nga sa turo ni Gordon Hinckley, kahit maraming taong negatibo at puro kabiguan ang nakikita, maaari parin nating madama ang diwa ng kaligayahan at magandang pananaw kapag pinapanatili natin ang ating pagiging positibo. Harapin nating bukas ang mga braso, ngiting nakaimpit sa ating mga bibig ang mga problema na darating sa atin sa hinaharap at huwag matakot na tayo ay lamunin nito bagkus magtiwala sa sarili, gawin ang buong makakaya, at manalig palagi sa Poong Maylikha.

...alinmang kamalasan at trahedya ang kanyang masasalamuha... (Dapat ANUMANG )
ReplyDelete...hinarap ng sama-sama.. (Dapat nang sama-sama)